Pilipino ako. At sigurado akong kung binabasa at NABABASA mo ‘to ngayon ay Pilipino ka rin.
Ano bang tingin mo ngayon sa lahi natin? Alam mo ba kung anong alam ng mga dayuhan tungkol sa atin?
Noon dawng panahon nina Rizal, (o nung henerasyon bago pa kay Rizal), ang tinutukoy lamang na mga “Filipino” ay ang mga Kastilang nakatira sa Pilipinas. At ang ibang mga tunay na Pilipino (tayo yun) ay tinawag na mga indyo. Pagkatapos ng ilang taon, si Rizal ang pinakaunang gumamit ng salitang “Fiipino” na kumikilala sa ating lahi. Ngayon, sa henerasyon natin, ang salitang “Pilipino” ay buo na nating nagagamit bilang kabuuang pangalan ng ating lahi.
Subalit, kung dito sa bansa ay isang magandang salita ang Pilipino, sa iba’y hindi. Pumunta ka sa iba’t- ibang mga sikat na lugar sa mundo, at malalaman mo kung bakit mahirap para sa iba ang dalhin ang pangalang Pilipino.
Sa Europe, ang salitang “Filipinos” ay hindi kilala bilang ating lahi, kundi mas kilala ito bilang isang brand name ng biskwit. Okey, sikat di ba? Kaya nga lang, hanggang biskwit lang tayo.
Pumunta ka sa Singapore, at makikita mong kung isa kang Pilipino, kawawa ka. May isa akong kaibigan na kinuwento sa akin na nung isang beses na pumunta ang kanyang ama sa Singapore ay natagalan raw silang makapagliwaliw sa siyudad sapagkat hinarang sila sa embassy. Bakit kamo? Kasi, PILIPINO raw sila. Hindi lang yun, nung pumunta na daw ang kanyang ama sa mga tindahan ay pinalabas sila ng isang may- ari ng stall dahil daw mga pinoy sila. Simple lang ang dahilan, ang ilang Pilipino sa Singapore ay nagnanakaw sa mga tindahan dahilan upang tumatak sa mga utak ng mga dayuhan na mga Pilipino ay likas na mga magnanakaw.
At dito naman sa Pinas, ay kung mapapansin mo, dumadami na ang mga dayuhang nag-aasawa ng mga Pinay. Liban na lang doon sa mga nag-asawa dahil mahal talaga nila ang isa’t- isa, ang iba sa mga Pinay ay nakakakuha ng asawang dayuhan mula lamang sa chat. Ilang araw na chat, padala ng pera, kasal na. Yun ang tingin ng mga Kanong naghahanap ng mapapangasawa sa pamamagitan ng chat sa mga Pilipina sa ating bansa.
Ayon pa nga sa isang librong ginawa ng isang kano na isinilayasay ng aking teacher, sinasabi daw dito na kung makukuha mo ang OO ng isang Pilipina (na napakadali kung nagchachat kayo) at kapag napakasalan mo daw ang Pilipinang yun, ay may libre ka nang katulong na magsisilbi sa’yo habambuhay.
Napakababa rin ng tingin ng mga turistang dayuhan sa mga Pilipino. Nung isang beses sa Boracay ay may isang puting sinigawan ang isang serbrdora ng “Hey you monkey, come here!” Walang nagawa ang Pilipina kundi ang lumapit sa puti.
Nakakainis lamang isipin na ganito na pala kababa ang tingin ng mga dayuhan sa ating mga Pilipino. Kung noon, tayo ang tinitingala dahil sa yaman natin, tayo naman ngayon ang tumitinagala’t nagsisilbi sa kanila. Ang tingin lamang nila sa atin ay mga bobong nilalang na mas matalino lang nang konti sa unggoy na pwede at pwede na nilang pagawin ng kahit ano basta may kapalit lang na sweldo (barya lang para sa kanila) mula sa kanila. Tinitingnan lamang nila tayo bilang mga patay- gutom, magnanakaw at mga low-class na lahi.
Papayag ka ba dun?
Ok lang ba sa’yong maging pangalan ng isang hamak na sunog na biskwit?Ganun ba tayo kababa? Isang hamak na pantatak sa sisidlan ng biskwit na pagkatapos gamitin ay itatapon na lang sa basurahan? Ok lang ba sa’yo na ituring ang ating mga Pilipina bilang mga pangkasal ng mga kanong tumnda nang walang asawa?
Papayag ka lang bang tawaging HOSPITABLE ang ating lahi dahil lamang sa PINAGSISILBIHAN NATIN SILA KAHIT TAWAGIN PA NILA TAYONG UNGGOY? Papayag ka bang ituring tayong mga aso, kulisap, bobo, unggoy, magnanakaw o walang modo ng mga dayuhan?
Ako, hindi. At kung ok lang sa’yo at wala kang pakialam dahil hindi naman ikaw ang direktang sinabihang bobo, unggoy o magnanakaw, hintayin mo hanggang umabot ang panahong tawagin ka ring magnanakaw at nang ikaw naman ang mapahiya.
OO, tutol ako’t di ako papayag. Subalit anong magagawa ko? Ang tumunganga na lang?
HINDI.
Magsimula tayo sa ating mga sarili. Ikailang ulit ko nang nabanggit ‘to subalit uulitin ko ng makailan beses hanggang sa matuto tayong lahat. Sapagkat hindi naman siguro babansagang magnanakaw ang ating lahi kung wala ni isang Pilipino ang nagnakaw. Hindi naman siguro tayo tatawaging bobo kung sa simula pa lang ay nilinang na natin ang lahat ng ating kakayahan. At mas lalo sigurong hindi tayo tatawaging mga unggoy kung hindi tayo mga mukhang unggoy. Hindi jowk lang. Hindi tayo tatawaging unggoy kung tayo mismong tinawag na unggoy ay lalapit sa kumutya sa atin at sasabihing “Sir I am a Filipino, not a monkey.” (wag nyo na akong correctionan hinanap ko pa yang sentence na yan sa dictionary para lang makapag-ingles ako).
Maging proud tayo sa lahi natin, at kapag kinutya natin ng iba, nangangahulugan lamang yan na kinukutya nya ang ating lahi, at wag nating hahayaang apakan nila ang dignidad ng Pinas.
Sa bandang huli, may nagawa rin tayong masama kaya kinukutya tayo. Kung makakaya nating ituwid ang kabaluktutang nagawa ng iba nating mga kapwa Pilipino’y, mawawala ang masamang impresyon nila sa atin.
Nung pumunta ang kaibigan ko sa Singapore, nakakita sya ng sign sa dinding. “Bawal Umihi Dito”. Normal na sa Pinas yun. Pero, sa Singapore, aba, di ata nagtatagalog ang mga taga- Singapore. Maaaring taga- Singapore ang nagsulat nun, pero bakit kaya wikang Pilipino ang ginamit nya? Ang sa akin lang, lahat ng mga mensaheng nakasulat sa wikang Pilipino ay ginawa upang mabasa at patamaan ang mga Pilipino.