BANYUHAY- Bagong Anyo ng Buhay

Pagbabago, Bagong simula, Pag-asa....

Samakat'wid ako'y para sa isang pagbabago,

Isang Bagong simula...

Subalit,

Hindi para sa isang pagbabago sa nakasanayang sistema ng bansa...

...Sa halip, para sa pag-asang mapalitan ang mga pangit at nakalalasong mga ugali nating mga Pinoy....


Friday, July 4, 2008

Para sa mga Pinoy (II)

At sa napakaparehong sitwayon naman sa aming eskwelahan ay ang kalagayan ng mga mamamayan sa Pilipinas.

Bakit nga ba hindi tayo umuunlad?


Ano nga bang mali sa bansa?


Sino nga bang dapat sisihin sa ating kahirapan ngayon?


Ang gobyerno?


Tayo?


O ang kabuuan ng mga Pilipino?


Alam kong wala akong karapatang pansinin ang galaw ng mga kapwa ko Pnoy. Subalit ako rin ay isang Pilipino, at maari ngang wala akong KARAPATANG makiusyoso sa buhay ng mga Pilipino sa Pinas, subalit TUNGKULIN ko bilang isang Pilipino ang tumulong sa paglutas sa mga problemang kinapapalooban ng bansa ko.

Magsimula kaya tayo sa gobyerno. Kahit ako pa man ay naniniwalang hindi na nagagampanan ng gobyerno ang tunay nilang katungkulan- at yun ay ang pagsilbihan ang panangailangan ng mga mamamayang Pilipino, hindi ang pagsilbihan ang gutom ng kanilang malalalim na mga bulsa. Napakadami nang mga isyu laban sa kanila. At sa kung ano mang nangyari sa mga taong nagpakabayani sa pagsiwalat sa katotohanan laban sa gobyerno, ay di ko na alam kung ano pa mang nangyari sa kanila pagkatapos silang gamitin ng ibang mga pulitiko. Gayunpaman, nasisiguro kong unti- unti na silang nababaon sa limot sa mga isipan ng taumbayan (sana ay mali ako at sana ay hindi nila malimot ang mga kahanga hangang mga taong yun). Naging masyado nang naging makapangyarihan ang gobyerno na nabahiran na ng putik at lansa ang kredibilidad ng kung sino mang humawak nito. Maari ngang naging kasinglabo na ng pagtingin ng mga tao sa maruming Ilog Pasig ang serbisyo ng mga opisyal na nasa loob ng Palasyo ng Malacanang.

Aminin na natin, malaki na ang ibinaba ng kredibilidad at katunkulang ginagampanan ng gobyerno. Subalit, sino nga ba ang UMUUPO sa trono ng gobyerno? Hindi dayuhan, kundi KAPWA rin natin PILIPINO.

Sa kabilang dako naman, isang malaking tanong pa rin sa aking isipan kung tama ba ang ginagawa ng mga raliyista o kung maganda pa bang magpakahirap na paringgan ang gobyernong nabibingi o (di kaya’y) nagbibingi- bingihan sa mga hinaing nila. Subalit, ang napakalaking palaisipan sa mga raliyista ngayon ay ang kanilang mga ginawa sa buhay nila kaya sila umabot sa ganyang punto. Napakalaki ng respeto ko sa kanila sapagkat kung hahayaan ako, siguro’y matagal na akong nagging raliyista; subalit nagtataka lang talaga ako kung puro nga ba kamalian ng gobyerno ang nagpabagsak sa kanila sa kahirapan o kung may parte ba din sila sa kanilang kinahinatnang mapait na kalagayan.

Subalit, bakit nga ba tayo nagpapakahirap na magreklamo sa pamahalaan ng mga kahirapan natin kung alam naman natin na napakataas nila kaya’t di natin sila halos maabot? Dahil ba sa sawa na tayong maging mahirap kaya nagrereklamo na lang tayo? Dahil ba sa kurakot ang gobyerno kaya nagrarally tayo? Dahil ba sa gusto nating makatikim ng kaginhawaan sa mabilis na paraan kaya binabato natin ang pamahalaan?

Sa tingin ko, masyado na tayong naging tanga sa loob ng mahabang panahong patuloy nating pagrereklamo. Ito’y sapagkat ang Pilipinas ay isang DEMOKRATIKONG bansa. Isang bansang PINAPATAKBO ng mga MAMAYANG PILIPINO, MULA sa mga PILIPINO, at PARA SA mga PILIPINO. Nagpapatunay lamang ito na tayong mga mamamayan ang talagang may-ari ng pamahalaan. Kung patuloy lamang tayong magrereklamo at magkakalat ng kalinsyakan ng gobyerno (na totoo naman), ay nangangahulugan lamang iyon na nakasalalay lamang sa mga opisyal ng gobyerno ang ating kinabukasan. Nagpapatunay lamang ito na nakasalalay lamang sa mga opisyal ang tsansa kung may maipapasok tayo sa ating mga kumakalam na sikmura bukas o sa makalawa. Nangangahulugan lamang ito na wala tayong kapangyarihan. Isang napakaistupidong pahayag na sa katunayan ay dapat tayong mga mamamayan ang may kapangyarihan. Tayo dapat ang mas may kapangyarihan at mas nakakaalam, at di ang mismong mga opisyal ng gobyerno. Kung di kayang mamuno nang matapat ng lider na ating napili, tayo ang mamumuno sa kanya sa pamamagitan ng pagsisimula sa ating mga sarili.

Datapwa’y kailangan nating gumalaw. Kailangan nating kumilos.

  • Sumunod sa lahat ng batas sa lahat ng panahon

  • Mag-aral ng mabuti

  • Magtrabaho nang matapat para sa bayan (at di para lamang sa sariling pangkapakanan)

  • Humingi lagi ng resibo

  • Magbayad ng tamang buwis

  • Iilan lamang yun sa mga maliliit na bagay na karaniwan mong makikita sa sagot ng isang pangkaraniwang elementary student. Subalit yun din ang mga bagay na minsan mo lang mapansing ginagawa ng mga propesyonal o ng isang college graduate.

    Madali lang naman gampanan yun. Madali lang namang maging isang Pilipino. At sa panahon ngayong sawa na ang halos lahat sa lagay ng ekonomiya, sa panahon ngayong wala nang pakialam ang halos lahat ng mga tao sa bansa, ay sa mga panahong ito rin natin kelangang magsikap. Magsimula tayo sa ating mga sarili at wag tumunganga lang. Kumilos tayo. Wag tayong magbulag bulagan o magbingi- bingihan sa tawag ng ating bansa.

    Sabi nga nila, buti pa raw maging bulag, pipi, o bingi, sapagkat sa ganoong paraan ay maliligtas ka mula sa kasalanan. Subalit ang pagiging Bulag, pipi’t bingi o lumpo sa mga suliranin ng bayan ay di mo ba maituturing na kasalanan?

    No comments: