BANYUHAY- Bagong Anyo ng Buhay

Pagbabago, Bagong simula, Pag-asa....

Samakat'wid ako'y para sa isang pagbabago,

Isang Bagong simula...

Subalit,

Hindi para sa isang pagbabago sa nakasanayang sistema ng bansa...

...Sa halip, para sa pag-asang mapalitan ang mga pangit at nakalalasong mga ugali nating mga Pinoy....


Friday, July 4, 2008

Si Juan: sa Mapanuring Mga Mata ng Mundo

Pilipino ako. At sigurado akong kung binabasa at NABABASA mo ‘to ngayon ay Pilipino ka rin.


Ano bang tingin mo ngayon sa lahi natin? Alam mo ba kung anong alam ng mga dayuhan tungkol sa atin?


Noon dawng panahon nina Rizal, (o nung henerasyon bago pa kay Rizal), ang tinutukoy lamang na mga “Filipino” ay ang mga Kastilang nakatira sa Pilipinas. At ang ibang mga tunay na Pilipino (tayo yun) ay tinawag na mga indyo. Pagkatapos ng ilang taon, si Rizal ang pinakaunang gumamit ng salitang “Fiipino” na kumikilala sa ating lahi. Ngayon, sa henerasyon natin, ang salitang “Pilipino” ay buo na nating nagagamit bilang kabuuang pangalan ng ating lahi.


Subalit, kung dito sa bansa ay isang magandang salita ang Pilipino, sa iba’y hindi. Pumunta ka sa iba’t- ibang mga sikat na lugar sa mundo, at malalaman mo kung bakit mahirap para sa iba ang dalhin ang pangalang Pilipino.


Sa Europe, ang salitang “Filipinos” ay hindi kilala bilang ating lahi, kundi mas kilala ito bilang isang brand name ng biskwit. Okey, sikat di ba? Kaya nga lang, hanggang biskwit lang tayo.


Pumunta ka sa Singapore, at makikita mong kung isa kang Pilipino, kawawa ka. May isa akong kaibigan na kinuwento sa akin na nung isang beses na pumunta ang kanyang ama sa Singapore ay natagalan raw silang makapagliwaliw sa siyudad sapagkat hinarang sila sa embassy. Bakit kamo? Kasi, PILIPINO raw sila. Hindi lang yun, nung pumunta na daw ang kanyang ama sa mga tindahan ay pinalabas sila ng isang may- ari ng stall dahil daw mga pinoy sila. Simple lang ang dahilan, ang ilang Pilipino sa Singapore ay nagnanakaw sa mga tindahan dahilan upang tumatak sa mga utak ng mga dayuhan na mga Pilipino ay likas na mga magnanakaw.


At dito naman sa Pinas, ay kung mapapansin mo, dumadami na ang mga dayuhang nag-aasawa ng mga Pinay. Liban na lang doon sa mga nag-asawa dahil mahal talaga nila ang isa’t- isa, ang iba sa mga Pinay ay nakakakuha ng asawang dayuhan mula lamang sa chat. Ilang araw na chat, padala ng pera, kasal na. Yun ang tingin ng mga Kanong naghahanap ng mapapangasawa sa pamamagitan ng chat sa mga Pilipina sa ating bansa.


Ayon pa nga sa isang librong ginawa ng isang kano na isinilayasay ng aking teacher, sinasabi daw dito na kung makukuha mo ang OO ng isang Pilipina (na napakadali kung nagchachat kayo) at kapag napakasalan mo daw ang Pilipinang yun, ay may libre ka nang katulong na magsisilbi sa’yo habambuhay.


Napakababa rin ng tingin ng mga turistang dayuhan sa mga Pilipino. Nung isang beses sa Boracay ay may isang puting sinigawan ang isang serbrdora ng “Hey you monkey, come here!” Walang nagawa ang Pilipina kundi ang lumapit sa puti.


Nakakainis lamang isipin na ganito na pala kababa ang tingin ng mga dayuhan sa ating mga Pilipino. Kung noon, tayo ang tinitingala dahil sa yaman natin, tayo naman ngayon ang tumitinagala’t nagsisilbi sa kanila. Ang tingin lamang nila sa atin ay mga bobong nilalang na mas matalino lang nang konti sa unggoy na pwede at pwede na nilang pagawin ng kahit ano basta may kapalit lang na sweldo (barya lang para sa kanila) mula sa kanila. Tinitingnan lamang nila tayo bilang mga patay- gutom, magnanakaw at mga low-class na lahi.


Papayag ka ba dun?


Ok lang ba sa’yong maging pangalan ng isang hamak na sunog na biskwit?Ganun ba tayo kababa? Isang hamak na pantatak sa sisidlan ng biskwit na pagkatapos gamitin ay itatapon na lang sa basurahan? Ok lang ba sa’yo na ituring ang ating mga Pilipina bilang mga pangkasal ng mga kanong tumnda nang walang asawa?


Papayag ka lang bang tawaging HOSPITABLE ang ating lahi dahil lamang sa PINAGSISILBIHAN NATIN SILA KAHIT TAWAGIN PA NILA TAYONG UNGGOY? Papayag ka bang ituring tayong mga aso, kulisap, bobo, unggoy, magnanakaw o walang modo ng mga dayuhan?


Ako, hindi. At kung ok lang sa’yo at wala kang pakialam dahil hindi naman ikaw ang direktang sinabihang bobo, unggoy o magnanakaw, hintayin mo hanggang umabot ang panahong tawagin ka ring magnanakaw at nang ikaw naman ang mapahiya.


OO, tutol ako’t di ako papayag. Subalit anong magagawa ko? Ang tumunganga na lang?

HINDI.


Magsimula tayo sa ating mga sarili. Ikailang ulit ko nang nabanggit ‘to subalit uulitin ko ng makailan beses hanggang sa matuto tayong lahat. Sapagkat hindi naman siguro babansagang magnanakaw ang ating lahi kung wala ni isang Pilipino ang nagnakaw. Hindi naman siguro tayo tatawaging bobo kung sa simula pa lang ay nilinang na natin ang lahat ng ating kakayahan. At mas lalo sigurong hindi tayo tatawaging mga unggoy kung hindi tayo mga mukhang unggoy. Hindi jowk lang. Hindi tayo tatawaging unggoy kung tayo mismong tinawag na unggoy ay lalapit sa kumutya sa atin at sasabihing “Sir I am a Filipino, not a monkey.” (wag nyo na akong correctionan hinanap ko pa yang sentence na yan sa dictionary para lang makapag-ingles ako).

Maging proud tayo sa lahi natin, at kapag kinutya natin ng iba, nangangahulugan lamang yan na kinukutya nya ang ating lahi, at wag nating hahayaang apakan nila ang dignidad ng Pinas.


Sa bandang huli, may nagawa rin tayong masama kaya kinukutya tayo. Kung makakaya nating ituwid ang kabaluktutang nagawa ng iba nating mga kapwa Pilipino’y, mawawala ang masamang impresyon nila sa atin.


Nung pumunta ang kaibigan ko sa Singapore, nakakita sya ng sign sa dinding. “Bawal Umihi Dito”. Normal na sa Pinas yun. Pero, sa Singapore, aba, di ata nagtatagalog ang mga taga- Singapore. Maaaring taga- Singapore ang nagsulat nun, pero bakit kaya wikang Pilipino ang ginamit nya? Ang sa akin lang, lahat ng mga mensaheng nakasulat sa wikang Pilipino ay ginawa upang mabasa at patamaan ang mga Pilipino.

'Sang Daang Taon ng Pagiging Indyo

Mahigit isang lingo na ang nakakaraan simula noong ginunita natin ang pagpapalaya sa ating mga Pilipino ng mga Kastila. Mahigit isang daang taon (110 sa eksaktong bilang ng taon) na rin ang magmula noong makamtan natin ang tamis ng pagiging ‘kalahating malaya’ kahit sa loob lamang ng kakaunting panahon. Kahit papaano’y naramdaman natin kung gaano kasarap ang buhay kung walang Kastila, guardia civil o prayle ang nakamatyag sa atin. Kahit papano’y nasubukan nating maging Malaya sa pang- aalipin ng mga Kastila. Sa katunayan, pagkatapos ng pagpapayag nay un, hindi na tayo inalipin ng ng mga Kastila, subalit, mga Kano naman ang pumalit sa kanila. Isang kalayaang agad namang binawi ng mga Amerikano. Subalit, pagkatapos ng paglayang yun, ay natanggal na rin kahit papaano ang pangalang ‘indyo’ na nakakabit sa ating mga ulo. Kahit papaano ay hndi na tayo tinatawag na mga indyo o bobo habang tayo’y nasa bansa. At magpahanggang ngayon, ang katawagang yun ay di na kailanman narinig na ginagamit na katawagan sa atin.


Ngunit, sa aking napansin (o baka ikaw rin ay nakapansin), sa paglalarawan ni Rizal sa ating mga Pilipino sa kanyang Noli kung saan tayo pa ay tinatawag na mga ‘indyo’, lubos akong nagtataka sapagkat ang mga katangian ng mga ‘Indyong’ Pilipino noon ay walang pinagkaiba sa mga ugali nating mga Pilipino ngayon.

Binalikan ko ang pagbabasa ng Noli Me Tangere, at kahit di ko lubos maintindihan ang ilan sa mga salitang ginamit ni Rizal, ay nasisiguro kong napakaparehos ng mga katangian nating mga ‘Indyo’ (noon) sa kasalukuyang mga Pilipino ngayon. Bukod sa wala na ang mga taong tinukoy ni Rizal sa kanyang nobela, ang taning kaibahan lamang ng mga Pilipino noon at ngayon ay tinawag silang mga ‘Indyo’ noon, subalit ngayon ay hindi na, kahit wala naman tayong ipinagbago.


Hayaan nyong sabihin ko sa inyo ang aking mga napansin kaya ako umabot sa aking konklusyon.


Una, ang mga ‘indyo’ noon ay mas nagbibigay pa ng lubos at sobra- sobrang galang sa gobyerno o sa kahit sinong banyaga. Kaysa magbigay ng pagpapahalaga sa kapwa Pinoy. Tayo namang mga Pinoy ngayon, kahit may Kanong hindi natin kilalana dumaan, ay agad ati siyang tinitingnan nang may galang, subalit kung kapwa Pinoy naman ang dumaan, ay tinititigan natin na para bang isa syang magnanakaw. O, isa pang halimbawa ay agad nang nakakalusot ang mga banyagang panauhin sa isang okasyin habang ang mga Pinoy ay todo kapkap pa ang ginagawa sa kanila ng security. Sabihin nyo, may pinagkaiba ba tayo sa mga ninuno natin?


Pangalawang rason ay mas gusto ng ibang ‘Indyo’ noon na maging Kastila kaya panay na lamang ang pintura nila ng make-up at pulbos sa kanilang mga mukha. Ngayon, tatlong oras pang nakababad ang buhok at mukha n iba sa mga saloon o parlor para lamang magmukhang Amerikana, Kastila o Koreana. May pinagkaiba pa rin ba noon at ngayon?


Pangatlo, pinagsisisihan pa ng ibang mga Pilipino noon kung bakit pa sila ipinangak na mga Pinoy at ‘indyo’. Ngayon, ipinagmamalaki ba nating lahat na mga Pinoy tayo?


Pang-apat, inaalipin noon ang mga indyo ng Kastilang gobyerno. Naghihirap ang mga Pilipino noon dahil sa mga kagagawan ng mga Kastila. Ngayon, madami ang naghihirap daihil sa korapsyon sa gobyerno. Alipin pa rin tayo, kaya nga lang, ngayon, ay alipin na nga lang ng mga kapwa natin Pilipino.


Ang pangungutang para makapagpista o ang di pakikinig ng maayos sa sermon ng pari ng iba sa ating mga katoliko. Pagkatapos ng mahigit 100 taon, nawala ba yun?


Pati nga rin ang produkto ng ibang bansa ay lubos nating tinatangkilik. Basta made in Finland, made in Amerika,Made in China o kahit saan pa man, basta anyaga ay binibili natin. Subalit ang gawang Pinoy ay balewala lamang. Nagpapatunay lamang ito na tayo naga’y walang pinagbago.


Ang tanging nagbago lamang ay ang mga Pinoy noon na nag- aral sa ibang bansa ay bumalik upang tumulong sa bansa o di kaya’y ginawa ang kanilang parte bilang mga Pilipino. Subalit ngayon, ang mga umaalis ng bansa ay di na bumabalik. Kadalasan doon na nainirahan at nag-aasawa. Swerte nga lang kung bumalik pa, at kung bumalik pa man, ay nakalagay na sa kahon at isa nang malamig na bankay.


Isang daang taon na nga ang nakakaraan. At sa kahaba- habang panahong yun ay mas lalo pang dumami ang rason kung bakit tayo’y minsang tinawag na mga ‘indyo’. Ayoko sanang tawagin ang aking mga kapwa pinoy o maging ang aking sarili na isang indyo.


Subalit, kahit saang anggulo ko tingnan ay lumalabas pa rin ang ganoong mga katangian. Kahit umabot pa man ng dalawang dantaon o kahit ilan pang milyong taon na ang lilipas ay patuloy pa rin tayong magiging mga indyo kung hindi nain mababatid sa ating mga sarili na hindi sapat ang maging malaya lamang mula sa katawagan ng iba sa atin na ‘indyo’. Kailangan nating maging malaya mula sa pagiging mga indyo sa ating mga gawa.

Dalawang Panig

Habang sinusulat ko ang una kong post, napatigil ako nang bigla kong napansin na para bang may mali sa aking sinusulat. Binalikan ko ang aking papel. Wala akong mahanap. Sa aking palagay ay nawasto ko na lahat ng pwedeng maging mali. Hanggang sa binasa kong muli ang sinulat ko. Napansin kong nagkomento ako tungkol sa gobyerno at nagkomento din ako tungkol sa mga mamamayan. Sinabi ko sa aking sarili, saang panig nga ba ako? Kung pinuna ko ang gobyerno at nasali ko ang taumbayan, na alam naman nating lahat na tinuturing na magkabilang panig, saang panig nga ba ako.

Saan nga ba ako lulugar?

Natawa ako bigla sa aking naisip.

Bakit ko pa ba kinikwestyon ang aking sarili?

Bakit ko pa nga ba kailangan akong pumili ng isang panig kung sa katotohanan ay wala naman talagang magkabilang panig? Kung sa una pa lang ay hindi dalawa ang pwersa kundi iisa lamang….

Ang mga opisyal sa pamahalaan ay mga Pilipino. Tayong mga taumbayan ay siyempre Pilipino din. Kung gayon, bakit pa natin hahatiin sa dalawa ang mga Pilipino kung alam naman nating lahat na parehos ang ating pinanggalingan?Bakit ba natin kelangang ibahin sa mga mamamayan ang gobyerno kung parehos naman tayong mga Pilipino? Sapagkat tayo naman pala ay iisang panig lamang, nararapat lamang na magkaisa tayo. Sino ba naman ang hindi gustong umunlad ang sariling bansa?

Sa simula pa lang ay iisang panig lamang ang meron. Wag na natin hatiin. Magtululungan tayo. Kumilos tayo ng sabay. Isang hakbang bawat araw. Kung kikilos tayo bilang isa subalit para sa isa’t- isa’y walan maiging imposible.

Para sa mga Pinoy (II)

At sa napakaparehong sitwayon naman sa aming eskwelahan ay ang kalagayan ng mga mamamayan sa Pilipinas.

Bakit nga ba hindi tayo umuunlad?


Ano nga bang mali sa bansa?


Sino nga bang dapat sisihin sa ating kahirapan ngayon?


Ang gobyerno?


Tayo?


O ang kabuuan ng mga Pilipino?


Alam kong wala akong karapatang pansinin ang galaw ng mga kapwa ko Pnoy. Subalit ako rin ay isang Pilipino, at maari ngang wala akong KARAPATANG makiusyoso sa buhay ng mga Pilipino sa Pinas, subalit TUNGKULIN ko bilang isang Pilipino ang tumulong sa paglutas sa mga problemang kinapapalooban ng bansa ko.

Magsimula kaya tayo sa gobyerno. Kahit ako pa man ay naniniwalang hindi na nagagampanan ng gobyerno ang tunay nilang katungkulan- at yun ay ang pagsilbihan ang panangailangan ng mga mamamayang Pilipino, hindi ang pagsilbihan ang gutom ng kanilang malalalim na mga bulsa. Napakadami nang mga isyu laban sa kanila. At sa kung ano mang nangyari sa mga taong nagpakabayani sa pagsiwalat sa katotohanan laban sa gobyerno, ay di ko na alam kung ano pa mang nangyari sa kanila pagkatapos silang gamitin ng ibang mga pulitiko. Gayunpaman, nasisiguro kong unti- unti na silang nababaon sa limot sa mga isipan ng taumbayan (sana ay mali ako at sana ay hindi nila malimot ang mga kahanga hangang mga taong yun). Naging masyado nang naging makapangyarihan ang gobyerno na nabahiran na ng putik at lansa ang kredibilidad ng kung sino mang humawak nito. Maari ngang naging kasinglabo na ng pagtingin ng mga tao sa maruming Ilog Pasig ang serbisyo ng mga opisyal na nasa loob ng Palasyo ng Malacanang.

Aminin na natin, malaki na ang ibinaba ng kredibilidad at katunkulang ginagampanan ng gobyerno. Subalit, sino nga ba ang UMUUPO sa trono ng gobyerno? Hindi dayuhan, kundi KAPWA rin natin PILIPINO.

Sa kabilang dako naman, isang malaking tanong pa rin sa aking isipan kung tama ba ang ginagawa ng mga raliyista o kung maganda pa bang magpakahirap na paringgan ang gobyernong nabibingi o (di kaya’y) nagbibingi- bingihan sa mga hinaing nila. Subalit, ang napakalaking palaisipan sa mga raliyista ngayon ay ang kanilang mga ginawa sa buhay nila kaya sila umabot sa ganyang punto. Napakalaki ng respeto ko sa kanila sapagkat kung hahayaan ako, siguro’y matagal na akong nagging raliyista; subalit nagtataka lang talaga ako kung puro nga ba kamalian ng gobyerno ang nagpabagsak sa kanila sa kahirapan o kung may parte ba din sila sa kanilang kinahinatnang mapait na kalagayan.

Subalit, bakit nga ba tayo nagpapakahirap na magreklamo sa pamahalaan ng mga kahirapan natin kung alam naman natin na napakataas nila kaya’t di natin sila halos maabot? Dahil ba sa sawa na tayong maging mahirap kaya nagrereklamo na lang tayo? Dahil ba sa kurakot ang gobyerno kaya nagrarally tayo? Dahil ba sa gusto nating makatikim ng kaginhawaan sa mabilis na paraan kaya binabato natin ang pamahalaan?

Sa tingin ko, masyado na tayong naging tanga sa loob ng mahabang panahong patuloy nating pagrereklamo. Ito’y sapagkat ang Pilipinas ay isang DEMOKRATIKONG bansa. Isang bansang PINAPATAKBO ng mga MAMAYANG PILIPINO, MULA sa mga PILIPINO, at PARA SA mga PILIPINO. Nagpapatunay lamang ito na tayong mga mamamayan ang talagang may-ari ng pamahalaan. Kung patuloy lamang tayong magrereklamo at magkakalat ng kalinsyakan ng gobyerno (na totoo naman), ay nangangahulugan lamang iyon na nakasalalay lamang sa mga opisyal ng gobyerno ang ating kinabukasan. Nagpapatunay lamang ito na nakasalalay lamang sa mga opisyal ang tsansa kung may maipapasok tayo sa ating mga kumakalam na sikmura bukas o sa makalawa. Nangangahulugan lamang ito na wala tayong kapangyarihan. Isang napakaistupidong pahayag na sa katunayan ay dapat tayong mga mamamayan ang may kapangyarihan. Tayo dapat ang mas may kapangyarihan at mas nakakaalam, at di ang mismong mga opisyal ng gobyerno. Kung di kayang mamuno nang matapat ng lider na ating napili, tayo ang mamumuno sa kanya sa pamamagitan ng pagsisimula sa ating mga sarili.

Datapwa’y kailangan nating gumalaw. Kailangan nating kumilos.

  • Sumunod sa lahat ng batas sa lahat ng panahon

  • Mag-aral ng mabuti

  • Magtrabaho nang matapat para sa bayan (at di para lamang sa sariling pangkapakanan)

  • Humingi lagi ng resibo

  • Magbayad ng tamang buwis

  • Iilan lamang yun sa mga maliliit na bagay na karaniwan mong makikita sa sagot ng isang pangkaraniwang elementary student. Subalit yun din ang mga bagay na minsan mo lang mapansing ginagawa ng mga propesyonal o ng isang college graduate.

    Madali lang naman gampanan yun. Madali lang namang maging isang Pilipino. At sa panahon ngayong sawa na ang halos lahat sa lagay ng ekonomiya, sa panahon ngayong wala nang pakialam ang halos lahat ng mga tao sa bansa, ay sa mga panahong ito rin natin kelangang magsikap. Magsimula tayo sa ating mga sarili at wag tumunganga lang. Kumilos tayo. Wag tayong magbulag bulagan o magbingi- bingihan sa tawag ng ating bansa.

    Sabi nga nila, buti pa raw maging bulag, pipi, o bingi, sapagkat sa ganoong paraan ay maliligtas ka mula sa kasalanan. Subalit ang pagiging Bulag, pipi’t bingi o lumpo sa mga suliranin ng bayan ay di mo ba maituturing na kasalanan?

    Para sa mga Pinoy (I)

    Nasa 4th year high school na ako, at bilang isa sa mga graduating students at pinakamatanda na rin sa aming paaralan ay hindi ko maipagkakailang napakarami nang mga opinyon ang aking narinig mula sa mga schoolmates ko. At dahil na rin sa isang “Science School” ang aming paaralan ay masasabi mo na ring iba’t ibang klase ng mga tao ang nakakahalubilo ko araw- araw. Sa labas ng paaralan ay kilala kami bilang mga “cream of the crop”- mga estudyanteng nagtataasan ang antas ng pag-iisip at IQ , mga estudyanteng sanay nang dumugo ang ilong sa pagmememorya ng mga nakakalulang mga formula at nakakabulol na mga scientific terms. Subalit para sa akin, ang paaralan namin ay salamin lamang ng napakaraming estudyante sa bansa. Mga estdyanteng Pinoy na hindi pantay ang antas ng kaalaman, mga Pilipinong iba- iba ang pananaw sa buhay at sa bansa.


    Oo, maituturing mo nga kaming may alam, subalit, nakakalungkot lamang isiping kahit matatalino ang halos lahat ng mga estudyante sa aming paaralan ay mabibilang mo lang ang may pakialam sa mga nangyayari sa ating bansa. Halos lahat sa amin ay mas nakatutok pa sa kung papaano i-derive ang time dilation equation ni Einstein kaysa pagtutok sa balita ukol sa mga Pilipinong nasalanta ng bagyo kamakailan lang.


    Hindi ko lubos maisip kung bakit sa mga panahong ito, nakukuha pa ng mga kakilala kong mag-aaral na lumusong sa mga bonus sa quiz at assignments para makakuha lamang ng malaking marka, at hindi para maipagmalaki ang ating bansa.

    Talagang pinagtatakahan ko kung kahit minsan man lang ba ay sumagi sa kanilang mga matatabang utak na kelangan nating mag-aral upang matuto at makatulong sa bansa balang araw at di upangbasta basta lamang makamemorya ng mga konsepto at makakuha ng mga malalaking markang pwedeng ipagmalaki sa mga klasmeyts namin.


    Nakakatawa ring isiping halos lahat ng lalaki sa amin ay walang ibang pake sa mundo o sa Pilipinas liban sa laki ng boobs ng mg babae sa amin o sa kung anong haba ang mga ano nila. Nakakatawa nga, pero nakakainis.


    At mas lalong nakakadismayang isipin na sa tuwing tinatanong ko ang ilan sa aking mga kaklase kung saan sila magtratrabaho balang araw ay agad nilang sasabihing magtratrabaho sila sandali sa Pinas para makpag-ipon ng karanasan saka pupunta sa ibang bansa upang doon magtrabaho, tumira, mag- asawa, at (pati na rin siguro) mamatay. Simple lang daw ang rason. WALA na raw PAG-ASA ang PILIPINAS. Kelangan daw YUMAMAN. At para daw yumaman ay kelangan mangibang bansa. PRAKTIKALIDAD lang daw ang kelangan sundin at wala nang iba.


    Subalit kaya tila wala na ring pag-asa ang Pinas para sa ibang tao ay dahil na rin sa karamihan ng mga estuyanteng ganoon ang pag-iisip. Kesyo kelangan YUMAMAN, MABUSOG ang SARILING BULSA, at kelangan ISAKRIPRISYO ang NASNOYALISMO para IPAIRAL ang pagiging PRAKTIKAL, kelangan umalis ng bansa. Di bale naman daw, magpapadala naman daw sila kahit papaano ng pera sa Pinas para lumaki ang halaga ng piso kontra dolyar.


    Ngunit hindi pera, padala, o malakas na piso ang kelangan ng Pinas. Ang Pinas ay hindi isang hamak na piggy bank. At mas lalong hindi isang kompanyang nag-eexport ng mga OFW ang Pinas. Kung mahal mo ang Pilipinas ay bakit di ka manatili at tumulong sa kahit anong paraan mang makakaya mo ppara sa sa bansa. Pagtuturo sa mga nahihirapan sa pag- aaral. Pagtulong sa mga kapos palad. Pagmamalaki sa bansa. O all of the above. Hindi naman siguro mahirap na tumulong sa bansa kahit sa pinakamaliit na paraan, di ba? Mahirap bang tumanaw ng utang na loob sa bansang nagbigay kaalaman sa iyo sa mahigit kumulang 14 na taon?


    Mahirap isiping ang mga matatalino at pinakamagagaling pa ang may gustong mangibang- bansa. Nakakadismaya ring isiping tayong lahat ay nagtratrabaho o magtratrabaho para lamang yumaman, isang rasong napakaklarong iniisip lamang ang pansariling kapakanan.


    Sa loob ng apat na taon ay yun ang napansin ko sa aking mga kaklase. Hindi ako matalino o honor student sa klase namin, subalit (sa awa ng Diyos) ay nakakapasa pa rin ako at nagawa kong napansin ang mga bagay na ito. Hindi ako nagmamayabang, sinasabi ko lang na hindi mo naman siguro kelangang malaman kung sinong nakaimbento ng microscope o icompute ang x at y components ng isang free falling body (di ko na alam ang mga pinagsasabi ko) para lamang mapansin ang problema sa iyong bansa at maka- ambag ka ng kaunting tulong dito. Ang kelangan lang naman siguro ay ang mahalin mo ang iyong bayan at panindigan mo ang iyong pagiging isang Pilipino hindi dahil sa wala ka nang magagawa sapagkat ipinanganak kang Pinoy kundi dahil sa ipinagmamalaki mo ang iyong pinanggalingan.


    Mataas ang tingin ko sa aming eskwelahan. Subalit, habang ako’y malapit nang makatapos ng pag-aaral, mas lalo kong napapatunayang ako, ang aking mga schoolmates at ang iba pang mga estudyante sa Pinas ay hindi nararapat na tawaging mga “CREAM OF THE CROP”, sa halip ay ang mga “CREAM OF THE CRAP” kung ang pag-uusapan lamang ay ang pagmamahal sa bayan.

    Para Saan nga Ba 'to?

    Unang- una sa lahat..... Ang blog na ay ginawa upang mabasa at maintindihan ng mga
    kapwa ko PILIPINO......

    Hindi ko talaga inaasahang gagawa ako ng ganitong blog, ni hindi ko hinangad na makialam noo sa problema ng mga Pilipino….

    Isa lang naman ang pangarap ko noon, ang makatapos sa pag- aaral, makapag- abroad, yumaman, magka- asawa, at magka- anak. Samakatuwid, pangarap ko lang naman noon ang magkaroon ng masaya at masaganang buhay. Wala naman talaga akong pake sa problema ng bansa natin noon. Hindi kalianman sumagi sa isipan ko ang mga nagugutom na mga palaboy o mga naghihirap na mga skwater. Wala sa isip ko noon ang kahit ano mang nangyayari sa paligid ko. Basta makapag- aral. Basta pumasa. Basta makakain. Basta mabuhay. Okey na.

    Kinagisnan ko na ang makarinig ng mga opinion galing sa mga magulang ko na wala nang pag- asa ang Pilipinas. Lumaki akong nakatatak sa isipan na ang makapag- abroad at ang yumaman ang importante at nararapat na makamit sa buhay. Wala talaga akong ibang pangarap noon. Nakatuon lang ang pananaw ko sa isang makipot na pangarap.

    Kaya naman, nag- aral ako ng mabuti upang baling- araw ay yumaman ako. Pero habang nag- aaral ako, napansin kong napakapeke ng mga konseptong akoing natututunan. Para bang may mali. Para bang nakakulong ako sa mundo ng pekeng realidad na inakala kong yun ang tunay na mundo. Mali pala ako.

    Habang natututo ako, ay nakikita ko rin ang iba kong mga kababayang naghihirap. Pati kami ng pamilya ko, ay dumating rin sa puntong nahihirapan na kami sa aspetong pinansyal. Sa awa ng Diyos nakaahon kami. Subalit kahit umangat ng konti ang buhay ko, nakikita kong madami pa ring naghihirap. Madami pa ring umiiyak. Madami pa ring nagrereklamo. Madami pa ring naghihikaos. Nainis ako sapagkat, kahit nakikita ko sila ay wala akong magawa at higit sa lahat wala akong magawa upang maramdaman ng iba pang mga Pilipino ang nararamdaman ng mga kababayn nating naghihirap. AT higit sa lahat, hindi ko magawang makiramay sa kanila.

    Natanong ko sa sarili ko kung ano nga bang mali?

    Katagalan ay nabatid kong ang mali pala ay nasa sarili ko at sa sarili ng iba kong mga kababayan. Oo, may mali nga sa atin. At kahit na wala akong magagawa ay naisipan kong gawin ang blog na to.

    Hindi dahil sa awa ko sa mga mahihirap, kundi, ginawa ko ang blog na ito upang mabatid nating mga Pilipino kung ano nga bang kelangan nating gawin upang umangat tayong muli. Ayon nga ka’y Marcos, “I believe that this country will rise again”. (hindi ko alam kung yun ang eksakto nyang mga salita). At, kahit na inabuso ni Marcos ang kanyang kapangyarihan, ay naniniwala rin ako sa paniniwala nya.

    Naniniwala akong uunlad at babangon din ang Pilipinas….. Kung maniniwala tayo sa isa’t- isa…..